DAGUPAN CITY – Kumpirmadong sugatan ang nasa anim na katao matapos manalasa ang ipo-ipo sa dalawang barangay ng Magalang, Pampanga.
Batay sa impormasyong ipinarating ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC)-Pampanga sa Bombo Radyo Dagupan, agad na nalapatan ng lunas ang mga biktima kung saan napauwi rin kinalaunan.
Nagtamo sila ng sugat mula sa pagkasira ng ilang tahanan at gusali dahil sa pananalasa ng ipo-ipo sa mga barangay ng San Nicolas No. 2 at Sta. Cruz sa nasabing bayan.
Kinilala ang mga biktima na sina Mark Angelo Cuetlar, 13-anyos; Nicole Patricia Acierto, 15; Joshua Benedict Simbulan, Chelsea Carbungco Ochoa, at Jhayssana Licca Mallari, pawang 14-anyos; Flordeliza Quilonio; at isang Maribeth De Jesus Miranda, 60, na nakaranas ng alta presyon mataps na masira ang tahanan nito.
Nabatid na sa Barangay San Nicolas 2 lamang, nasa walong bahay na ang napinsala gayundin ang isang tindahan at bahagi ng Magalang Institute School Building.
Habang sa Barangay Sta Cruz, limang bahay sa isang subdibisyon doon ang nasira gayundin ang isang warehouse at kongkretong bakod. Nakapagtala rin ng pinsala sa sektor ng agrikultura partikular na sa mga pananim at livestock.
Sa ngayon, patuloy na nakaantabay ang PDRRMC-Pampanga at mahigpit ang koordinasyon sa lokal na pamahalaan at barangay council para monitoring sa sitwasyon.