-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Anim ang sugatan na kinabibilangan ng dalawang pulis sa nangyaring misincounter sa Sayre Hi-way, Upper Puerto, Cagayan de Oro City kagabi.

Sinabi ni Puerto Police Station commander Capt. Mario Matalla Jr. may sinundan na wanted person si Staff Sgt. Arman Tagolimot ng Misamis Oriental Provincial Police Office ngunit nakamalay umano ang subject at biglang binaril ang pulis.

Nang gumanti umano ng putok si Tagolimot ay natamaan nito ang isang sibilyan.

Agad namang rumesponde si Senior Master Sgt Jose Ryan Sevellino ng Puerto Police Station at ang dalawang pulis na naman ang nagbarilan dahil hindi nagkakilala.

Maliban sa dalawang pulis na parehong natamaan sa paa ay mayroon pang apat na sibilyan na nadamay sa insidente.

Samantala ang wanted person na siyang dahilan ng engkwentro ay mabilis na tumakas habang patuloy na tinutugis ng mga otoridad.