Patay ang dalawang pulis habang anim ang sugatan sa nangyaring enkwentro sa pagitan ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) Drug Special Operation Unit at PDEA sa isang parking area sa isang mall sa Commonwealth Avenue, Batasan Hills, Quezon City.
Bandang alas-5:45 kaninang hapon ng magkaputukan ang mga tauhan ng QCPD at ang nasa 20 umanoy miyembro ng PDEA.
Ayon sa QCPD mga tauhan ng DSOU ang sangkot sa enkwentro sa pamumuno ni Maj Sandie Caparroso.
Sugatan sa nasabing labanan si PLt Ronnie Ereno, Cpl. Lauro de Guzman at Cpl. Galvin Eric Garado.
Sa panig naman ng PDEA dalawang agents nito ang sugatan at isang sibilyan na kanilang kasama.
Batay sa inisyal na imbestigasyon nagsagawa ng buy bust operation ang mga tauhan ng QCPD DSOU, sa kasagsagan ng operasyon hindi alam ng mga pulis na ang kanilang ka transaksiyon ay mga PDEA agents.
At nang magkaroon ng komprontasyon ang mga agents ng PDEA ang unang nagpaputok dahilan para mag retaliate ang mga pulis, dito na sumiklab ang bakbakan.
Kapwa nanindigan ang PNP at PDEA na legitimate ang kanilang buy-bust operation na ikinasa sa isang parking area sa isang mall sa Commonwealth Avenue, Batasan Hills sa Quezon City.
Ayon kay PDEA Spokesperson Derrick Carreon may operasyon ang kanilang Special Enforcement Service sa nasabing lugar.
Sa ngayon, iniimbestigahan na ng PNP at PDEA ang nasabing insidente.