-- Advertisements --

ALEOSAN, North Cotabato – Anim ang sugatan sa nangyaring pagsabog ng bomba sa probinsya ng Cotabato dakong alas-10:15 kagabi.

Nakilala ang mga biktima na sina Amerol Musa Santos, Hanep Alipa Ayon, Yahya Kasan, Pahmi Daya Diamla, Johary Amerol at Salman Tahir.

Ayon kay Cotabato police provincial director S/Supt. Emmanuel Peralta, sumabog ang roadside bomb sa national highway sa bayan ng Aleosan sa probinsiya ng Cotabato.

Dahil sa lakas ng pagsabog, anim ang nasugatan na mga sakay ng isang ten-wheeler truck na nagkataon na dumaan kasabay nang pagsabog.

Ang mga biktima ay agad tinulungan ng mga sibilyan at dinala sa pagamutan.

Bago ito, nasa 20 katao rin ang nasugatan nang hagisan ng granada ang nakaparadang police car sa harap ng simbahan sa bayan ng Midsayap noong Disyembre 24 kasabay ng selebrasyon ng misa ng kapaskuhan.

Sa ngayon nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Aleosan PNP sa nasabing pagsabog at inaalam din kung sino ang nasa likod at ano ang motibo sa pangyayari.