(Update) CENTRAL MINDANAO – Kagagawan umano ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang magkasunod na pagsabog sa Libungan, Cotabato nitong Linggo ng gabi.
Una nang nakilala ang mga biktima na sugatan na sina ;
- Rolando Amistoso (serious wounded, brought to CRMC, Cotabato City)
- Ma. Vivian Bulahan (slightly wounded)
- Ronald Eslit (slightly wounded)
- Reynante Barbon (slightly wounded), and
- Angelica Cabatingan (slightly wounded)
- Melanie Vilar (Slightly wounded)
Ayon kay Libungan Cotabato Mayor Christopher “Amping” Cuan, unang sumabog ang isang improvised explosive device (IED) sa harap ng Remerata Store sa Brgy Poblacion sa bayan ng Libungan kung saan anim ang nasugatan.
Ilang minuto lamang ang nakalipas ay sumabog naman ang pangalawang bomba na tinatayang may 15 metro ang layo sa unang pagsabog ngunit walang nasugatan.
Ang mga sugatan ay agad dinala sa mga pagamutan sa bayan ng Midsayap at Libungan habang inilipat sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) sa Cotabato City si Amistoso na may malubhang sugat.
Kinumpirma rin ng mga tauhan ng Explosive Ordnance Disposal Team ng Philippine Army na ang bomba ay gawa sa 60mm mortar projectile.
Nanawagan ngayon sina Cotabato Senior Board Member Shirlyn Macasarte Villanueva, dating board member Rolly Sacdalan at Cotabato Vice-Governor Emmylou ”Lala” Mendoza na tigilan na ang pagpapakalat ng mga hindi biripikadong ulat dahil nagdadagdag lamang ito sa takot ng taongbayan.
“Magkaisa at manalangin para maghari ang kapayaan sa probinsya ng Cotabato” ani Villanueva.
Hiling naman ni Mayor Amping Cuan sa mga residente ng bayan ng Libungan na maging mapagmatyag sa mga kahina-hinalang bagay at agad ipagbigay alam sa mga otoridad.