-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Naging negatibo ang lumabas na resulta sa drug test ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa anim na suspek na nadakip dahil sa dala nilang aabot sa P600 million na halaga ng shabu sa Barangay Tagnao, Gandara, Samar.

Ayon kay P/Capt. Joselito Tabada, hepe ng Gandara Police Station, ang ginawang drug test ay nakabase sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o Republic Act 9165 kung saan lahat ng mga mahuhuli na may kinalaman sa iligal na droga ay kailangan ipasailalim dito.

Sa ngayon aniya ay kumambyo ang mga suspek sa pagsasabing hindi nila alam na iligal na droga ang kanilang idi-deliver dahil ang utos lang sa kanila ay dalhin ang sasakyan mula Maynila patungong Cebu.

Pero ang unang sinabi ng isa sa mga suspek ay alam nila na illegal drugs ang kanilang karga at babayaran sila isa isa ng tig-P50,000 kung matagumpay ang kanilang operasyon.

Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Philippine National Police tungkol sa kaso.

Samantala, nasa kustodiya pa rin ang lima sa mga naaresto habang ang menor de edad na kasama nila ay nai-turover na sa Department of Social Welfare and Development.