CAGAYAN DE ORO CITY – Sasampahan na ng pulisya ng kasong double murder ang anim na katao na umano’y nasa likod ng pagbaril-patay sa dalawang barangay officials sa Brgy. Dominorog, Talakag, Bukidnon sa susunod na linggo.
Una rito, ibinulgar ng tatlong testigo ang pagkakakilanlan ng mga suspek na nasa likod ng pagbaril-patay kina Kagawad Lorenzo Pedyaan at Mauricio Guinto.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Talakag Police Station commander, PCpt. Dominador Orate Jr na tumugma umano ang mga pahayag ng mga testigo sa lumabas na inisyal na resulta ng kanilang imbestigasyon.
Tinukoy ni Orate na pulitika umano ang motibo ng krimen.
Bagama’t hindi diretsahang binanggit ng opisyal ang mga pangalan ng mga suspek, batid nito na katunggali ng mga biktima ang kasalukuyang nakaupo na barangay kapitan sa lugar.
Si Guinto na dating barangay chairman ay isa sa mga konsehal na tumuligsa sa patakaran at pamamahala ni Dominorog Barangay Kapitan Judith Ocum.
Bago ito, pinalutang ni Ocum na away sa lupa ang motibo sa krimen at umano’y kagagawan ng mga bandido na nakianib sa rebeldeng New People’s Army (NPA) subalit hindi ito kinatigan ng PNP.
Sina Guinto at Pidyaan ay dadalo sana ng kanilang regular session nang binaril ng isang lalaki gamit ang .45-caliber pistol sa bisinidad ng barangay session hall noong Lunes ng umaga.