CAGAYAN DE ORO CITY – Nasabat ng pinag-isang operasyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR)-Northern Mindanao at National Bureau of Investigation (NBI)-10 ang nasa P60-milyong halaga ng pekeng mga sigarilyo sa KDT Logistics warehouse sa Brgy. Kauswagan, Cagayan de Oro City.
Una rito, nakakuha ng impormasyon ang NBI at agad ipinagbigay-alam sa BIR kaya sabay nila nilusob ang warehouse na pagmamay-ari ng Taiwanese nationals na nasa siyudad.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni NBI special investigator Atty. Nolan Gadia na tumambad sa kanila ang dalawang container vans na mayroong kahun-kahon na sari-saring sigarilyo.
Inihayag ni Gadia na maliban sa peke ang mga sigarilyo, wala ring legitimate stamps ng BIR ang mga kontrabando kaya kinumpiska.
Dagdag ng opisyal na nasa P18-milyong estimated sin tax ang iniwasan ng mga suspek na babayaran para sa gobyerno.
Nasa kustodiya na rin ng NBI-10 ang anim na Taiwanese nationals habang inihanda ng BIR ang kaukulang kaso na isasampa kaugnay sa pangyayari.