KORONADAL CITY – Patuloy na nakabantay ang mga otoridad sa bayan ng Polomolok, South Cotabato matapos ang nangyaring operasyon na ikinasawi ng anim na pinaniniwalaang miyembro ng Dawlah Islamiyah- Ansar Khilafa Philippines-Maguid Remnants terror group kabilang na ang kanilang sub-leader.
Ito ang inihayag ni PCpt. Rommel Hitalia, deputy chief of police ng Polomolok PNP sa Bombo Radyo Koronadal, matapos kinuha na ng mga kaanak ng mga nasawi ang mga bangkay ng mga ito at kaagad inilibing batay sa tradisyong Muslim.
Ayon kay Hitalia, patuloy pa rin silang nakakatanggap ng mga impormasyong may mga banta ng pag-aatake sa kaniyang nasasakupan dahilan na hinigpitan pa nila ang seguridad.
Maliban dito, dalawang subgroups ng naturang terror group ang kanilang binabantayan sa ngayon sa posibleng paghihiganti, kasunod ng pagkasawi ni subleader Arafat Bulacon alyas Maula.