Nasa anim na ScanEagle Unmanned Aerial System (UAS) mula Estados Unidos ang nasa pangangalaga na ngayon ng Philippine Air Force (PAF) na nagkakahalaga ng $13.76 million.
Sa pamamagitan ng foreign military financing nakuha ng PAF ang anim na unmanned aerial vehicle.
Pormal ng tinanggap ng Philippine government sa pangunguna ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang anim na ScanEagle aerial system kay US Ambassador to the Philippines Sung Kim.
Ang 300th Air Intelligence and Security Wing ng PAF ang siyang mangangalaga sa anim na UAV.
Ayon kay PAF chief Lt Gen. Galileo Gerald Kintanar, ang pagdating ng anim na UAS ay mas mapapalakas pa ang ground and air operations kasama na ang naval forces.
Malaking tulong daw ang ScanEagle UAS sa internal security operations, counter-terrorism at limited maritime patrol.
Magagamit din ito sa humanitarian assistance and disaster response operations dahil may kakayahan itong magsagawa ng assessment sa pinsala o danyos dulot ng natural o man made calamities.
Bukod sa gagamitin ito ng militar, maaari ring magamit ang Scan Eagle UAS bilang suporta sa kampanya ng pamahalaan laban sa anti-illegal logging, aerial survey at anti-dynamite fishing.