Kinumpirma ngayon ng Department of Health (DOH) na mayroon nang ikatlong nagpositibo sa novel coronavirus dito sa bansa.
Ayon kay DOH spokesman Usec. Eric Domingo, ang pinakahuling nagpositibo sa nCoV ay isang 60-anyos na babaeng Chinese.
Unang nag-negatibo sa nCoV ang biktima sa ipinadalang samples sa Victorian Infectious Diseases Reference Laboratory sa Australia at Research Institute for Tropical Medicine (RITM) noong Enero 24.
Lumabas ang resulta noong Enero 29 at 30 pero noong Pebrero 3, nakatanggap ng notification ang DOH mula sa una nang ipinadalang sample na positibo pala ang naturang biktima sa nCoV na nakauwi na sa Wuhan, China.
Inalerto na rin umano ng DOH ang Chinese authorities na nakabalik na doon ang naturang pasyente.
Sa ngayon, pinayuhan ng DOH ang mga nakasalamuha ng Chinese na makipag-ugnayan sa mga otoridad.
Partikular dito ang mga nakasabay ng biktima sa eroplanong sinakyan nitong Cebu Pacific flight 5J241 mula Hong Kong patungong Cebu noong January 20 and 21, 2020; Cebu Pacific flight DG6519 mula Cebu patungong Dumaguete noong January 21, 2020 at Philippine Airlines flight PR2542 mula Dumaguete patungong Manila noong January 25, 2020.