CEBU – Nagpapatuloy ang contact tracing ng Epidemiology Bureau sa mga airlines at hotel kung saan nakitaan ng trace ang 60 taong gulang na Chinese national na siyang pangatlong kaso ng novel coronavirus sa Pilipinas.
Kinumpirma ng Department of Health 7 na nanggaling dito sa lungsod ng Cebu at probinsiya ng Bohol ang nasabing Chinese national.
Sa press conference, sinabi ni Dr. Jaime Bernadas ang DOH 7 Regional Director, na galing sa Wuhan China ang pasyente at dumating dito sa Cebu noong Enero 20.
Sa nasabing araw rin ito bumyahe patungong probinsiya ng Bohol kasama ang iba pang apat na kapwa mga Chinese.
Ang nasabing 60 taong gulang na Chinese ay diumanoy nilagnat noong Enero 21 at dinala sa isang pribadong ospital sa Bohol noong Enero 22.
Una itong kinuhanan ng swab test noong Enero 23 ngunit ang ipinadala sa Australia ay ang swab test noong Enero 24 kung saan nakuha ang resulta noong Enero 29 at 30.
Aniya, naka-rekober na ang nasabing pasyente kaya ito na-discharge sa ospital at nakauwi na ng Wuhan.
Ngunit ang swab test nito noong Enero 23 ay ang nagpositibo sa 2019 N-CoV ARD.
Sa ngayon, may 29 ng Patient Under Investigation sa Central Visayas, 21 sa Cebu, 1 sa Bohol at 7 naman sa Negros.