Ligtas nang nakabalik sa Pilipinas ang aabot sa 60 Overseas Filipino workers na tinulungan ng Department of Migrant Workers na ma-repatriate mula sa bansa Israel.
Ito ay sa gitna pa rin ng nagpapatuloy na kaguluhan sa naturang lugar sa pagitan ng Israeli Defense Force at militanteng grupong Hamas.
Ayon sa DMW, ito na ang pinakamalaking bilang ng mga OFW na nakabalik muli sa bansa sa tulong ng voluntary Repatriation program ng pamahalaan.
Ngunit bukod dito ay iniulat din ng ahensya na may isang OFW ang nabigong makabalik sa Pilipinas matapos na dahil sa pagamutan ng mga tauhan ng Philippine Embassy at Migrant Workers Office-Abu Dhabi nang sumama ang pakiramdam nito.
Gayunpaman ay tiniyak pa rin ng DMW na matutuloy pa rin ang Repatriation nito pabalik sa Pilipinas sa oras na maging mabuti na kaniyang pakiramdam at mapahintulutan na itong muli na makabyahe.
Samantala, sa datos umabot na sa kabuuang 879 na mga Pilipino ang kanila nang natulungan na makabalik sa bansa mula sa Israel nang dahil pa rin sa nagpapatuloy na kaguluhan at sagupaan sa naturang lugar.
Matatandaang dahil sa mas umiigting pang tensyon sa Israel ay una nang inilagay ng Department of Foreign Affairs sa Alert Level 2 ang nasabing bansa kung saan pinapaalalahanan ang mga kababayan nating Pilipino doon hinggil sa mga non-essential movements tulad na lamang pag iwas sa mga lugar na pinadarausan ng protesta, at pag-abiso na rin sa mga ito na maghanda para sa posibleng paglikas anumang oras. /