Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang matagumpay na magkakasabay na paglulunsad ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa apat na probinsya kung saan inaasahang makakukuha ng serbisyo mula sa iba’t ibang sangay ng gobyerno ang mahigit 400,000 indibidwal.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, naniniwala ang Pangulong na dapat maging pro-active ang ating mga ahensya sa pagbibigay serbisyo sa mga mamamayan.
“The dry run in Biliran last month was a huge success. And with the President’s participation in this Grand Launch, we believe that everyone involved in this event – especially those in government – will be running on passion and inspiration, knowing that the Chief Executive himself leads the charge in serving our fellow citizens,” pahayag ni Romualdez.
Ang BPSF national secretariat ay binubuo ng Office of the President, Office of the Speaker, Presidential Communications Office (PCO), at House of Representatives.
Mula sa orihinal na dalawang araw na event, nagdesisyon ang mga organizer na palawigin ito hanggang sa Biyernes dahil sa dami ng nais na kumuha ng serbisyo.
Sa monitoring ng secretariat hanggang alas-11:19 ng umaga ng Sabado, umabot na sa 293,046 ang nagparehistro sa portal ng event. Patuloy umano ang paglobo ng mga nagpaparehistro at inaasahan na lalagpas ito ng 400,000 sa mga darating na araw.
Ang BPSF ang pinakamalaking service caravan sa bansa ay inilunsad ng sabay-sabay nitong Sabado sa Laoag City sa Ilocos Norte, bayan ng Nabua sa Camarines Sur, bayan ng Tolosa sa Leyte, at Poblacion Monkayo sa Davao de Oro.
Ang kabuuang bilang ng mga nagparehistro sa BPSF portal ay 69,552 sa Davao de Oro; 75,402 sa Ilocos Norte; 95,750 sa Camarines Sur; at 52,342 sa Leyte.
Si Pangulong Marcos ang nanguna sa paglulungsad sa Camarines Sur samantalang si Speaker Romualdez naman ang nanguna sa event sa Leyte.
Si House Senior Deputy Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Araneta Marcos ang nanguna sa serbisyo caravan sa Ilocos Norte, at si Special Assistant to the President Anton Lagdameo naman sa Davao de Oro.
Sinabi ni Speaker Romualdez na magsasagawa ng BPSF sa lahat ng 82 probinsya upang pagsilbihan ang milyun-milyong Pilipino.
Mahigit 60 serbisyo ng gobyerno ang maaaring makuha sa grand launch.
Naniniwala si Speaker Romualdez na malaking tulong sa mga kababayan natin ang dala ng Serbisyo Fairs.
Ang mga ahensya na nagbibigay ng social services na nakiisa sa lunching ay ang Department of Health (DoH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Agriculture (DA), Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Food and Drug Administration (FDA), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), National Food Authority (NFA), Office of Civil Defense (OCD) at Philippine Coconut Authority
(PCA).
Sa ilalim naman ng livelihood at educational services ang Department of Agrarian Reform (DAR), Commission on Higher Education (CHED), Department of Science and Technology (DOST), Department of Labor and Employment (DOLE), Technical Skills and Development Authority (TESDA), DENR, OCD, at FDA.
Sa ilalim naman ng regulatory functions ay nagbigay ng serbisyo ang Department of Foreign Affairs, Philippine National Police (PNP), Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Bureau (LTFRB), Professional Regulations Commission (PRC), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Statistics Authority (PSA).
Ang iba pang lumahok sa event ay kinabibilangan ng Department of Information and Communication Technology (DICT), Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System, PhilHealth, Pag-Ibig, Public Attorney’s Office (PAO), at Integrated Bar of the Philippines (IBP).