BACOLOD CITY – Mahigit 60 mga indibidwal ang kinustodiya ng mga otoridad kasabay ng joint simultaneous operation ng pulis at militar sa apat na opisina ng mga progresibong grupo sa Negros Occidental kagabi.
Sa bisa ng apat na mga search warrant, ni-raid ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 6 kasama ang 3rd Infantry Brigade ng Philippine Army, Bacolod City Police Office at Negros Occidental Police Provincial Office ang opisina ng Gabriela Partylist sa Purok Himaya, Brgy. Bata; Anak-Pawis sa Purok Riverside, Brgy. Bata; at Kilusang Mayo Uno (KMU) sa Brgy. 33 at Brgy. Taculing.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay police Captain Cenon Pancito, spokesperson ng Joint Task Force-Negros, inihayag nitong lumalabas sa kanilang intelligence monitoring na ginagawang umanong training centers ng New People’s Army (NPA) ang apat na mga lugar.
Naarekober dito ang ilang high powered firearms and explosives kabilang na ang .38 revolver, .45 caliber pistol, mga granada, fatigue uniform, holster, ilang mga dokumento at personal na mga gamit.
Sa ngayon, kinustodiya ng mga pulis ang 62 na mga suspeks kabilang na ang mga menor de edad.
Ito ay kinabibilangan ng 49 mula sa opisina ng Anak-Pawis sa Prk. Riverside kung saan menor de edad ang anim na mga lalaki at apat na mga babae; siyam mula sa opisina ng Gabriela sa Prk. Himaya; dalawa sa opisina ng KMU sa Brgy. 33; at dalawa sa opisina ng KMU sa Brgy. Taculing.
Ang mga menor de edad ay inilipat na sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) samantalang ang iba naman ay nasa kustodiya ng NOPPO.
Ayon kay Pancito, kasong human trafficking ang maaaring isasampa sa mga inaresto.
Inaanatay naman ang magiging kasagutan ng Anak-Pawis sa naturang alegasyon.