-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Ipinagbawal na muna ang pagkuha ng tubig sa dalawang balon sa loob ng Metro Bacolod District Jail (MBDJ) habang iniimbestigahan pa ang pagdanas ng 60 inmates ng diarrhea o loose bowel movement.

Ito ay kasunod ng pagka-alarma ni MBDJ warden Jail Chief Inspector Ruth Estales sa pangyayari.

Sa panayam kay Estales, hindi naman sabay-sabay ang pagkakasakit ng mga persons deprived of liberty (PDL) kundi may ilan na nagkaka-diarrhea kada linggo simula nitong Abril.

Pinaghihinalaan ng MBDJ na sanhi ng pagkakasakit ng mga bilanggo ay ang kanilang iniinom na tubig.

Napag-alaman na maliban sa suplay ng Bacolod City Water District, may dalawa pang balon na pinagkukunan ng tubig ang mga PDL.

Dahil dito, nagsagawa na ang City Health Office ng water sampling at binigyan ng karampatang gamot ang mga preso na dumanas ng pagtatae.