LEGAZPI CITY – Nakahanda na ang regional mobility at intra-regional mobility ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol sa Bagyong Auring.
Ayon kay DSWD Bicol Regional Director Arnel Garcia sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, mayroong nasa 29, 490 family food packs sa warehouse sa lungsod ng Legazpi, Camarines Norte, Camarines Sur at Masbate.
Maliban pa ito sa P3-milyong standby fund para sa replenishment.
Patuloy naman ang pag-iimbak ng opisina sa 45,450 sako ng NFA rice gayundin ang mga sardinas, kape at iba pang goods.
Nagdagdag naman ng 30,000 para sa repacking kung kaya nasa 59, 000 na foodpacks ang nakahanda.
Available rin ang iba pang non-food items tulad ng tents, hygiene kits, laminated sacks para sa 10,000 na kabahayan at 16,000 na kumot.
Samantala, inalerto na ang quick response teams sa DSWD Field Office 5 habang patuloy ang monitoring sa weather updates.