Kumpiyansa ang Malacañang na maaabot ng pamahalaan ang tinatawag na herd immunity sa gitna ng target na makapagbakuna ng hanggang 60 milyong mga Pilipino.
Ito ang reaksyon ni Presidential Spokesman Harry Roque kasunod ng naging pahayag ni Dr. Tony Leachon na para maabot ang herd immunity ay kailangang 60 hanggang 70 porsyento ng populasyon ng bansa ay kailangang mabakunahan sa isang bagsakan lamang.
Sinabi ni Sec. Roque, inihayag Vaccine Czar Carlito Galvez na sapat na ang 50 million vaccination na target ng gobyerno para sa herd immunity.
Maliban dito, inaasahan umano nilang marami ding mga private pharmaceutical companies ang magkakaroon ng pribadong immunization na hindi naman tututulan ng pamahalaan basta maaprubahan ng Food and Drugs Administration (FDA).
Ang herd immunity ay mangyayari kapag mayorya sa isang komunidad ay immune na sa isang infectious disease na makapagpapahinto sa pagkalat pa ng virus.
Ito ay sa pamamagitan ng natural immunity sa mga nakapitan na ng virus at ang isa ay sa pamamagitan naman ng pagbabakuna.