Nagtamo ng minor injuries ang nasa animnapung persons deprived of liberty (PDL) at 20 kawani ng Bureau of Jail Management and Penology dahil sa isang kaguluhan sa loob ng kulungan sa San Mateo, Rizal, biyernes ng hapon.
Nagpasimula umano ng noise barrage sa loob ng kulungan ang pitong PDL ayon kay BJMP spokesperson Jail Chief Inspector Jayrex Bustinera.
Nang sapilitan umano itong pahintuin ay saka na nauwi sa malaking kagulohan.
Kasunod nito, nagtulong-tulong ang BJMP, Philippine National Police at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng San Mateo para matigil na ang gulo na nag-ugat umano dahil sa pagtutol ng ilang PDL sa cashless system ng bilangguan.
Agad naman raw naisugod sa pagamutan ang mga sugatan at maayos na ang kalagayan ng mga ito.
Samantala, magsasagawa naman ng masusing imbestigasyon ang BJMP hinggil sa pinagmulan ng gulo at maging sa kawani nito.