Patuloy pang nadadagdagan ang bilang ng mga police officials ng Philippine National Police ang naghain na ng kanilang courtesy resignation.
Ayon kay PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., umabot na sa 600 ang bilang ng mga opisyal ng Pambansang Pulisya na nakapagsumite na ng kanilang courtesy resignation.
Ito ay bilang tugon at pagsuporta pa rin aniya ng kanilang hanay sa naging pag-apela ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr.
Aniya, ang naturang high ranking officials na naghain ng kanilang pagbibitiw ay nagmula pa sa iba’t-ibang rehiyon ng bansa, habang ang ilan mga dokumento naman ng mga ito na nai-address sa national headquarters ng PNP ay kasalukuyan na nilang tinitipon para maisumite sa five-man committee na nakatakdang buoin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Samantala, kaugnay nito ay muli namang binigyang diin ni Azurin na layon ng hakbang na ito na tiyaking malinis sa katiwalian at anumang uri ng pagkakasangkot sa ilegal na droga ang mga susunod na mamumunong opisyal sa Pambansang Pulisya.
Kung maaalala, nasa kabuuang 956 police officials na binubuo ng mga heneral at full-pledged colonels ng PNP ang inaasahang magsusumite ng kanilang courtesy resignation hanggang Enero 31, 2023.