Tinatayang aabot sa kabuuang 674,000 na pasahero ang magbabalik sa iba’t ibang pantalan sa buong Pilipinas ngayong Biyernes, Enero 3 hanggang Linggo, Enero 5, ayon ‘yan sa Philippine Ports Authority (PPA).
Ito’y kasunod ng pagbabalik ng mga Pilipinong may trabaho at papasok sa paaralan pagkatapos ng mahabang bakasyon sa kani-kanilang mga probinsya.
Sa isang pahayag tiniyak ni PPA General Manager Jay Daniel Santiago sa publiko na ang mga kinakailangang paghahanda ay tapos na para sa inaasahang dagsa ng mga pasahero. Binanggit din nito na ang mga tauhan ng PPA ay naka-high alert at lahat ng leave of absence ay nakansela upang matiyak ang sapat na bilang ng mga empleyado sa mga pantalan.
Asahan ang nasa mahigit 3,000 PPA personnel ang ipapakalat sa buong bansa, na nakatuon sa mga malalaking pantalan tulad ng Batangas, Bohol, Davao City, Negros Oriental, at Bicol.
Pinaigting din ang seguridad tulad ng pag-deploy ng K-9 units, pagtatayo ng mga help desks, at pagbabantay ng mga pantalan gamit ang CCTV systems. Ayon sa datos ng PPA, mula Disyembre 15, 2024, hanggang Enero 2, 2025, umabot na sa 3.6 milyong pasahero ang dumaan sa kanilang mga pantalan.
Kung ikukumpara, inaasahan ng PPA ang kabuuang 4.58 milyong pasahero mula Disyembre 15, 2024, hanggang Enero 5, 2025, mas mataas kumpara sa nakaraang taon na umabot lang sa 4.36 milyong pasahero.