Kinumpirma ng Malacañang nadarating na sa bansa ang Sinovac vaccines mula China sa Pebrero 23 ngayong taon.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, 600 libong doses ng Sinovac ang inaasahang darating, 100 libo rito ay donasyon ng China sa Department of National Defense (DND) para sa mga sundalo.
Sa ngayon ay hindi pa naaprubahan ng Food and Drug Administration ang aplikasyon ng Sinovac para sa emergency use authorization (EUA) dahil kasalukuyan pa rin itong pinag-aaralan ng vaccine expert panel.
Gayunman, inihayag ni Sec. Roque na mayroon nang katulad na sitwasyon ang Sinovac sa Indonesia, kung saan nauna itong dumating sa kanilang bansa kahit wala pang EUA.
Kaya ang ginawa umano rito ay hinintay muna nilang mailabas ng regulatory body roon ang EUA na inabot ng isang buwan bago ginamit ang bakuna.