DAGUPAN CITY–Handa ng magsilbi bilang kasapi ng electoral board members sa darating na midterm elections ang 600 mga guro dito sa lungsod ng Dagupan.
Kasunod na rin ito ng pagbibigay sa kanila ng Department of Science and Technology o DOST ng opisyal na sertipikasyon na nangangahulugan ng pagiging kwalipikado nila bilang miyembro ng electoral board.
Ayon kay Atty. Michael Sarmiento COMELEC officer dito sa syudad, natutuwa umano sila sa magandang resulta na naganap sa Province wide training ng mga guro na magsisilbing electoral boards.
Aniya, halos lahat kasi ng mga ito ay nakapasa sa eksaminasyon o ang tinatawag na DOST Certification Exam kung kaya’t agad silang na-isyuhan ng I.T certification.
Ibig sabihin, maaari na silang magsilbi bilang mga electoral boards dito sa Dagupan para sa darating na 2019 midterm elections.
Nakapaloob sa pagsasanay ay kung paano mag-operate ng voter verification registration system (VRVS) machine, isang device laban sa flying voters.
Payo naman ni Sarmiento sa mga magiging kasapi ng electoral board na panatilihin ang pagiging non-partisan at maging alerto para sa kanilang seguridad.