Sumilong sa Abad Santos High School at P. Guevarra Elementary School ang nasa 600 pamilya na naapektuhan ng sunog sa Parola Compound sa Tondo Maynila nitong madaling araw ng Linggo.
Sinabi ni Manila Department of Social Welfare (MDSW) Director Re Fugoso, naglagay sila ng mga modular tent sa mga covered court ng mga paaralan para doon mamalagi pansamantala ng mga nasunugang biktima.
Pinangunahan ni Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) Director Arnel Angeles ang pagtatayo ng mga modular tent.
Agad din na binigyan ng medical assistance ang ilang mga residente na nangangailangan ng atensiyon medical.
Tiniyak din ni Fugoso na mahigpit nilang binabantayan ang kalagayan ng mga biktima para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Magugunitang limang katao ang nasawi ng hindi makalabas sa kanilang nasusunog na bahay sa Parola Compound sa Tondo Maynila kung saan mahigit anim na oras bago tuluyang maapula ang sunog noong madaling araw ng linggo.
Nasa mahigit 300 kabahayan ang naabo at inaalam pang mabuti ng mga otoridad ang sanhi ng nasabing sunog.