Nangangailangan umano ang gobyerno ng Pilipinas ng 6,000 na mga doctors habang nasa 4,000 nurses sa gitna na rin nang patuloy pa ring pananalasa ng COVID-19.
Ito naman ang nilinaw ni Marikina Representative Stella Quimbo sa kanyang pagtayo sa plenaryo ng kamara bilang sponsor sa hinihingi na P301-billion budget para sa taong 2023 ng Department of Health.
Ang naturang pangangailangan ng gobyerno ng mga posisyon ay ipinagtaka naman ni House Deputy Minority Leader France Castro ng ACT Teachers party-list.
Ayon kay Castro hindi siya naniniwala na walang nag-a-apply sa naturang mga posisyon.
Sinabi naman ni Quimbo ang nabanggit na bilang ay kasama doon sa 21,021 na mga posisyon na hindi pa napupunan ng DOH.
Aminado naman ang mambabatas na mahirap ang proseso sa recruitment dahil sa mababang suweldo na inaalok sa government sector kumpara sa private sector na mas mataas ang kumpensasyon.
Giit naman ni Rep. Castro na sana itaas na lang ng DOH ang salary sa government nurses ng P50,000 kada buwan.
Sagot naman ng budget sponsor, maganda ang panukala pero pinag-aaralan pa ito.
Sa ngayon aniya may mga bagong hospitals at mga tanggapan ang itinatayo na kailangan ding punan ang mga posisyon at plantilla ng DOH.