CEBU CITY – Asahan ang mabigat na daloy ng trapiko sa South Road Properties dahil 30th Southeast Asian Games Ceremonial Torch relay ngayong araw sa Cebu City.
Ayon sa operations head ng Cebu City Transportation Office (CCTO) na si Andres Bayarcal na isasara ang southbound lane ng SRP mula sa F. Vestil Street hanggang sa Cebu South Coastal Road Bridge sa Talisay City mula alas-2:00 ng hapon hanggang sa alas-7:30 ng gabi.
Ito ay dahil tatakbo ang 6,000 runners sa kahabaan ng SRP kung saan magsisimula ang gun time sa dakong alas-5:00 ng hapon.
Dagdag pa ni Bayarcal, dadaan ang mga motorista sa northbound lane ng SRP at gagawin itong two-way.
Naka-standby din ang mga traffic enforcers ng CCTO upang magbantay at gabayan ang mga dadaang motorista.
Pangungunahan nina Presidential Assistant to the Visayas Secretary Michael Dino at Cebu City Mayor Edgardo Labella ang takbuhan kasama ang mga Cebuano athletes bilang mga torch bearers.
Pagkatapos ng torch run, susundan ito ng isang lighting ceremony na gaganapin sa isang malaking mall sa SRP.