CAUAYAN CITY – Halos 60,000 cc ng dugo ang nalikom sa ikalawang bugso ng Dugong Bombo 2021 ng Bombo Radyo Cauayan na ginanap nitong Sabado sa Community Center ng Cabaruan, Cauayan City.
Katuwang dito ang Rotary Club of Cauayan at Philippine Red Cross (PRC)-Isabela Chapter.
Umabot sa 133 na successful blood donors mula sa 158 na nagtungo sa venue mula sa iba’t ibang lugar sa Isabela at kalapit na lalawigan tulad ng Ifugao.
Limang anchors at admin staff din ng Bombo Radyo Cauayan ang nag-donate ng dugo.
Kabilang din sa mga nakiisa sa Dugong Bombo 2021 ang mga personnel ng Tactical Operations Group 2 ng Philippine Air Force (PAF) at mga miyembro ng Isabela Pro Riders Club Incorporated.
Labis na nagpapasalamat ang pamunuan ng Rotary Club of Cauayan dahil muling nakatuwang nila ang Bombo Radyo Cauayan sa blood-letting activity.
Ayon kay Sheila Calleon, pangulo ng Rotary Club of Cauayan, ito na ang ikaapat na taon na ka-partner nila Bombo Radyo Cauayan sa blood-letting activity na mahalagang programa dahil napakarami ang natutulungan.
Samantala, malaking biyaya umano mula sa Panginoon ang kakayahan ng isang tao na makapagbahagi ng dugo para sa mga nangangailangan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Pastor Rolando Cabudol, isa sa mga successfull blood donors mula sa Aguinaldo, Ifugao sinabi niya na taun-taon niyang inaabangan ang Dugong Bombo upang makapagdugtong ng buhay sa mga nangangailangan.
Sinabi naman ng Person With Disability (PWD) na si Christian Galabay mula Barangay Tagaran na wala man siyang kakayahan na magbigay ng tulong pinansiyal ay makakatulong siya sa pamamagitan ng pagdugtong ng buhay sa mga nangangailangan ng dugo.
Aniya, ito na ang ikalawang beses na nagdonate siya sa Dugong Bombo at ang huli ay noong taong 2019.