-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Tinatayang umaabot sa 60,000 ang mga turistang bumuhos nitong nakaraang linggo sa LaBoracay 2017.

Ito ang kinumpirma sa Bombo Radyo ni Kristoffer Leo Vellete, OIC ng Department of Tourism (DoT) Boracay sub-office.

Ayon sa kanya halos punuan ang mga hotels at resorts sa isla dahil sa hindi inaasahang pagbuhos ng mga lokal na turista at mga celebrities na sinamantala ang long weekend bunga ng ASEAN summit at Labor Day gayundin ang pagtatapos ng Palarong Pambansa 2017 sa lalawigan ng Antique kung saan ilan sa mga players ay nag-relax at nag-celebrate sa Boracay.

Dahil sa dami ng tao, sinabi ni Velete na maituturing itong pinakamataas na tourist arrivals simula ng ilunsad ang LaBoracay noong 2011.

Sa kabilang dako, tulad ng inaasahan, ang kasiyahan ay nag-iwan ng sangkaterbang basura lalo na sa white beach na pangunahing atraksyon sa isla.

Maraming upos ng sigarilyo at bote ng alak ang itinapon ng mga bisita na labis na ikinadismaya ng LGU-Malay na siyang may hurisdiksyon sa Boracay.

Napag-alaman na problema ngayon sa isla ang basura at polusyon dahil sa dami ng mga turistang dumadayo taun-taon.