MANILA – Hindi dadalhin sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Muntinlupa City ang 600,000 doses ng COVID-19 vaccines ng Sinovac na nakatakdang dumating sa Linggo.
Ito ang sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III sa gitna ng mga paghahanda sa inaasahang pagdating ng kauna-unahang coronavirus vaccine sa bansa.
“Pagbaba (ng eroplano) ilalagay sa 40-footer container vans na refrigerated ng 2 to 8 degree. Dadalhin yan nang may escort para di maantala… sa DOH strage facility sa Marikina,” ani Duque sa interview ng TeleRadyo.
Ayon sa kalihim may kapasidad na 500-million doses ng bakuna ang nasabing storage facility kaya wala talagang magiging problema sa pag-iimbak ng Chinese vaccine.
Sa ilalim ng Philippine National Deployment and Vaccination Plan for COVID-19 vaccines, maaaring dalhin sa RITM o sa DOH rented private warehouse ang mga bakunang nangangailangan ng cold storage na 2 to 8 degrees at -20 degree celsius.
Matapos nito ay dadalhin sa regional warehouses, na siyang magdi-distribute sa city at provincial health offices. Kasunod nito ang pagbaba ng supply sa implementing units tulad ng mga ospital.
“For vaccines requiring -70 degree to -80 degree celsius, the vaccines will be delivered from the supplier to a private centralized vaccine hub. And through a private distributor, the vaccines will be delivered to hospitals and medical centers with cold chain capacity to store the vaccines,” nakasaad sa plano.
Una nang sinabi ng Malacanang na personal na sasalubungin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdating ng Chinese vaccine sa Villamor Airbase sa Linggo, February 28.
Nahaharap pa rin sa kwestyon ang bakuna ng Sinovac dahil hindi inirerekomenda ng Food and Drug Administration na maturukan nito ang mga healthcare workers na exposed sa confirmed cases.
Nagpupulong pa ang Inter-Agency Task Force (IATF) para pagdesisyunan ang rekomendasyon ng National Immunization Technical Advisory Group (NITAG) sa paggamit ng COVID-19 vaccine ng Sinovac.