Patay ang nasa 61 katao sa isang Israeli military strike sa Palestinian Gaza Strip sa loob ng 48 oras ayon sa Palestinian medics.
Labing-isang buwan sa digmaan, bigo pa rin na makamit ang kasunduan sa tigil-putukan para wakasan ang tunggalian at ang pagpapalaya sa mga Israeli at dayuhang bihag na hawak sa Gaza.
Ang airstrikes sa dalawang dating paaralan na pinaninirahan ng mga lumikas na sibilyan, isa sa Gaza City at isa sa Jabalia, ay kumitil ng hindi bababa sa 12 katao.
Ayon sa militar ng Israel, target ng mga pag-atake ang mga armadong Hamas na nag-ooperate sa compound. Lima pang tao ang napatay sa isang pag-atake sa isang bahay sa Gaza City, kung saan nagresulta sa kabuuang 28 kataong nasawi noong Sabado.
Sinabi naman ng armed-wings ng grupong Hamas, Islamic Jihad at Fatah na nakipaglaban sila sa pwersa ng Israeli sa buong Gaza gamit ang mga anti-tank rocket at mortar bomb, at sa ilang mga insidente ay nagpasabog din ng mga bomba upang i-target ang mga tangke at iba pang sasakyan ng hukbo.
Patuloy ang sisihan ng dalawang panig sa kabiguan ng mga mediators, kabilang ang Qatar, Egypt at Estados Unidos, na magtulongan para sa tigil-putukan.
Sa ngayon naghahanda umano ang US na magharap ng isang bagong panukala. Ayon kay CIA Director William Burns, chief ng US negotiator, sa isang event sa London, isang mas detalyadong panukala ang gagawin sa mga darating na araw.