-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Matagumpay na idinaos ng mga Libunganon o sa Libungan Cotabato ang kanilang 61st Founding Anniversary at ika-7 Katambolit Festival kasama si Cotabato Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza.

Naging makulay ang selebrasyon dahil sa suporta at pakikiisa ng mga ito sa lahat ng mga aktibidad na inihanda ng lokal na pamahalaan ng bayan sa pangunguna ni Municipal Mayor Angel Rose “Apol” Cuan at Vice-mayor Jims Fullecido.

Tampok sa kanilang Katambolit Festival ang parada ng mga masasarap na lechon na binihisan at nilagyan ng mga palamuti na nagbigay aliw sa mga residente.

Sa mensahe ni Governor Mendoza, sinabi nitong nagagalak siyang makita ang saya at ngiti ng bawat Libunganon sa pagdaraos nito ng kanilang anibersaryo, kaya’t sinigurado nitong patuloy na magbibigay ng suporta ang pamahalaang panlalawigan sa kanilang mga programa upang mas maging masigla pa ang kanilang bayan.

Nakiisa rin sa pagdiriwang ang mga Board Members mula sa unang distrito na sina Hon. Sittie Eljorie Antao-Balisi at Atty. Roland Jungco.

Tema ng kanilang ika 61st na anibersaryo: Aksyon, Pagkakaisa at Oportunidad para sa Libungan.