CENTRAL MINDANAO-Nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng mga pasyenteng gumaling sa coronavirus disease o COVID-19 sa loob ng 24-oras ang bayan ng Midsayap Cotabato.
Batay sa latest bulletin ng Department of Health XII, siyam na COVID-19 patients sa bayan ang nakarecover.
Samantala, nakapagtala naman ng unang kaso ng fatality dahil sa sakit ang bayan ng Midsayap.
Ang naturang pasyente ay isang 62-anyos na lalake na namatay dahil sa acute respiratory distress syndrome, COVID-19 confirmed critical, community acquired pneumonia high risk with hypoxia, acute kidney injury secondary to infectipous process status post hemoperfusion, subcutaneous emphysema.
Sa huling tala ng Rural Health Unit ng Midsayap, nasa walo na lamang ang active cases o patuloy na nagpapagaling sa sakit habang may 27 recoveries na sa kabuoan.
Kaugnay nito, isa pang recovery ang naitala sa lalawigan ng Cotabato na mula sa bayan ng Tulunan.
Isa namang new confirmed case ang naitala sa probinsiya na isang 78-anyos na babae sa Kidapawan City.
Ayon sa Cotabato Inter-Agency Task Force on COVID-19, ang naturang pasyente ay may history of exposure kay Patient 153 na isang 41-anyos na lalake na empleyado ng Provincial Government ng Cotabato.
Dagdag nito, kasalukuyang nakakaramdam ng mild symptoms ang pasyente at mahigpit na minomonitor ang kondisyon habang nananatili ngayon sa Kidapawan City Temporary Treatment and Monitoring Facility.
Sa ngayon, nasa 184 na ang total infections ng COVID-19 sa lalawigan kung saan 122 ang naka-rekober habang 46 ang active cases at tatlo na ang pumanaw.