Tuloy-tuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng mga applikasyon para sa amnestiya na natatanggap ng pamahalaan, sa pamamagitan ng National Amnesty Commission (NAC).
Batay sa record ng NAC, nakatanggap ito ng karagdagang 62 na bagong applications mula sa Mindanao.
Marami sa mga ito aniya ay mula sa komunistang grupo na binubuo ng maraming mga kabataan na nagmula sa South Cotabato at Sultan Kudarat.
Batay pa sa record ng komisyon, 55 mula sa mahigit 62 applicants ay personal na naghain ng applikasyon habang pito naman ang inirepresenta ng kanilang mga abogado kung saan ang iba sa kanila ay kasalukuyang nasa detention facilities.
Naniniwala si NAC Commissioner Atty. Nasser Marohomsalic na lalo pang dadami ang maghahain ng kanilang applikasyon para sa amnestiya sa mga susunod na araw, lalo na at tuloy-tuloy aniya ang positibong pagtanggap at kumpiyansa ng mga dating rebelde sa alok ng administrasyong Marcos.
Sa kasalukuyan ay tinutungo ng komisyon ang mga lugar na unang natukoy na posibleng dating pinagkakampuhan ng mga rebelde upang magsagawa ng mga ‘orientation seminar’ sa mga dating rebelde na maaaring saklawin ng programa.