GENERAL SANTOS CITY – Binawian ng buhay ang isang Coronavirus positive na isang 62 yrs.old na babae na residente ng Barangay Bula nitong lungsod dahil sa komplikasyon ng kanyang sakit.
Ito ang inihayag ni Dr. Ruth Camarillo ng Bula Rural Health Unit.
Aniya, ang naturang pasyente ang unang naitalang COVID-19 positive sa nabanggit na lugar at ikapitong nasawi sa Rehiyon dose.
Matatandaang nagpatupad ng lockdown sa ilang lugar sa nabanggit na Barangay dahil sa contact tracing na isinagawa hanggang 4th level.
Nalaman na walang history of travel ang pasyente.
Gayunman binawi na ang ipinatupad na lockdown kahit hinihintay pa ang resulta ng swab test ng mga suspected cases sa coronavirus disease.
Ang mga direct contact at nakasalamuha ng pasyente ay naka-quarantine at naka-isolate na sa isang pampublikong paaralan.
Samantala, patuloy ang puspusang contact tracing sa Barangay Dadiangas West, nitong lungsod matapos na isang public school teacher ang panibagong nagpositibo sa COVID-19.
Naka-quarantine na ngayon ang nasabing public school teacher.
Una rito, isang guro rin sa Brgy. Apopong, GenSan ang nagpositibo sa nasabing nakamamatay na sakit.
Sa datos ng DOH-12, nasa 79 ang covid 19 cases sa GenSan kung saan 38 ang aktibong kaso at 41 ang total recoveries.