Nananatiling apektado ng pagbaha ang 63 lugar sa iba’t-ibang panig ng bansa ilang linggo mula nang manalasa ang Supertyphoon Carina na pinalakas ng Hanging Habagat.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang Central Luzon ang nakapagtala ng pinakamaraming lugar na binaha na umabot sa 56.
Ang nalalabing bilang ay naitala ng tatlong iba pang rehiyon na kinabibilangan ng Cordillera Administrative Region, at Northern Mindanao, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na dati pang binabaha mula nang unang manalasa ang bagyong Butchoy.
Ayon sa konseho, ang ibang lugar ay hindi na humupa at tuluyang nasundan pa ng mga pag-ulan.
Samantala, pumalo na rin sa 1,715, 194 families ang naitalang naapektuhan. Katumbas ito ng 6,426,994 na katao.
Naitala ng Central luzon ang may pinakamaraming bilang ng mga biktima na: 1,000,332 families o katumbas ng 3,422,916 katao.
Sampung rehiyon naman ang nakapagtala ng mga serye ng landslide kasunod ng malawakang mga pag-ulan. Kinabibilangan ito ng Region 1, Region 2, Calabarzon, Region 7, 8, 9, 11, 12, Caraga at BARMM.