CENTRAL MINDANAO – Hahawakan na ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang pamamahala sa 63 barangay sa probinsya ng Cotabato simula sa darating na Nobyembre 20.
Ang mga botante sa 63 na mga barangay sa North Cotabato, na nasa ilalim ng Administratibong Rehiyon 12, ay bomoto pabor sa pagsasama ng kanilang mga pamayanan sa BARMM sa ginawang plebisito na pinangasiwaan ng Commission on Elections nitong taon lamang.
Ayon sa tagapagsalita ng Bangsamoro Government at Ministry of the Interior and Local Government (MILG) Minister Atty Naguib Sinarimbo, nagkaroon sila nang pagpupulong ng technical staff ng provincial government ng probinsya ng Cotabato kaugnay sa gaganaping turn over ceremony sa 63 barangays.
Sinabi ni Sinarimbo na maglalagay sila ng tagapamahala o administrador sa bawat barangay upang magpapatuloy ang serbisyo nito sa taongbayan.
Karamihan sa mga nakatira sa 63 barangay ay mga Muslim at may malakas na pwersa ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ang BARMM ay itinatag batay sa dalawang taludtod, ang 2012 Framework Agreement on Bangsamoro at kasunod ang 2014 Comprehensive Agreement on Bangsamoro, na mga produkto ng 22 taon na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng MILF.
Nilinaw ni Sinarimbo na hindi dapat mangamba ang mga opisyal ng barangays dahil tuloy-tuloy parin silang tatanggap ng kanilang Internal Revenue Allotment sa Department of Budget and Management.
Bago sasapit ang halalan sa BARMM ay bubuo ng tatlong bayan mula sa 63 mga barangay.