-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Tiniyak ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Chief Minister Ahod Balawag Ebrahim ang serbisyong totoo sa 63 Barangay mula sa probinsya ng Cotabato na sakop na ngayon ng Bangsamoro Government.

Todo pasasalamat naman si Ebrahim kay Cotabato Acting Governor Emmylou”Lala”Taliño Mendoza sa suporta nito sa Bangsamoro Organic Law (BOL) sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Utang na loob ng bagong tatag na gobyerno ang pagsuporta ng mga lokal na opisyal sa probinsya ng cotabato kaya nanaig ang botong Yes sa 63 Barangay sa nagdaang plebisito.

Dugo,pawis at marami ang nagbuwis ng buhay makamit lamang ang minimithing kapayapaan sa Mindanao sa dekadang pakikibaka.

Dagdag ni Ebrahim na nararapat lamang na masusuklian ng serbisyong totoo ang mga residente ng 63 Barangay upang tuloy-tuloy na ang pag unlad ng kanilang komunidad at mamuhay ng mapayapa.

Naging emosyunal naman ang gobernadora sa naging hamon nito sa mga opisyal ng 63 Barangay na sakop na ngayon ng BARMM na ipagpatuloy nito ang serbisyong totoo tungo sa kapayapaan at kaunlaran.

Dumalo sa makasaysayan na turn-over ceremony ang mga Alkalde ng bayan na Kabacan sa pangunguna ni Mayor Herlo Guzman Jr,Midsayap Mayor Romeo Arana,Pikit Mayor Sumulong Sultan,Aleosan Vice-Mayor Eduardo Cabaya,Pigcawayan Mayor Jean Dino Roquero,Carmen Mayor Moises Arendain,mga Board Members ng North Cotabato,Vice-Gov Shierlyn Macasarte Villanueva at mga opisyal ng BARMM,militar at pulisya.

Iginiit naman ni BARMM Spokesperson at MILG Minister Atty. Naguib Sinarimbo na ang turn over ay hindi nangangahulugan na maghihiwalay na ang 63 Barangay kundi ito ay mas lalong palalakasin pa ang ugnayan at Pamamahala sa pamamagitan ng maayos na koordinasyon sa isat isa.