-- Advertisements --
viber image 2021 10 28 18 54 49 708

Inaasahan na raw ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ang 65,000 na pasahero kada araw ngayong weekend dahil sa buhos ng mga kababayan nating uuwi sa mga probinsiya para sa Undas o All Saints’ at All Souls’ Days.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni PITX corporate affairs and government relations head Jason Salvador na ang PITX terminal ay karaniwang nakaka-accomodate ng 50,000 hanggang 55,000 lamang na pasahero kada araw.

Pero sa weekend puwede raw itong pumalo ng 60,000 hanggang 65,000 kaya naman puspusan ang kanilang paghahanda lalo na’t nasa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic pa rin ang bansa.

Dahil dito, mula sa 1,500 na mga bus na bumibiyahe sa araw-araw ay kailangang magdagdag ng pamunuan ng PITX ng 500 pang bus para maisakay ang lahat ng mga uuwi sa kanilang mga probinsiya.

Sa kabilan ng inaasahang pagbuhos ng mga pasahero sa naturang terminal ay siniguro naman nitong mahigpit pa ring ipatutupad ang ang health protocols para hindi kumalat ang COVID-19.

PITX corporate affairs and government relations head Jason Salvador

Pinaalalahanan na rin ni Salvador ang mga pasahero na magpa-book na ng kanilang mga ticket dalawang araw bago ang kanilang biyahe.

Ito ay para matukoy din ang kanilang mga pangalan maging sa nga local government units (LGUs) na kanilang pupuntahan.

Kung maalala, naghain na ng resolusyon ang Inter-Agency Task Force (IATF) para hilingin isara ang mga sementeryo sa Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2 para maiwasan ang superspreader events sa kasagsagan ng Undas.

Gustong mangyari ng IATF na ngayon pa lamang ay dapat bumisita na ang ating mga kababayan sa mga sementeryo, memorial parks at columbaria bago mag-October 29 at pagkatapos ng November 2.