CENTRAL MINDANAO-Tinatayang nasa 65,000 na sako ng bigas na ang matagumpay na naipamahagi sa mahigit 324,171 vulnerable families ng programang Year-end Relief Operation ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato sa pangunguna ni Governor Emnylou “Lala” Taliño Mendoza matapos itong simulan noong December 21, 2022.
Sa datos na isinumite ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa tanggapan ni Governor Mendoza abot sa 86% ng programang relief operation ang natapos ng maisagawa sa ibat ibang bayan ng lalalawigan.
Kabilang sa mga kumpletong nabigyan ay ang bayan ng Alamada, Aleosan, Antipas, Arakan, Banisilan, Carmen, Kabacan, Libungan, Magpet, Makilala, Matalam, Midsayap, Mlang, Pigcawayan, Pres. Roxas, Tulunan at ilang mga barangay sa siyudad ng Kidapawan.
Sa ngayon, mayroon na lamang mahigit 51,000 pamilya mula sa vulnerable target families na abot sa 374,775 sa buong lalawigan ang nakatakdang bigyan ng nasabing ayuda para sa natitirang mga barangay sa siyudad ng Kidapawan at bayan ng Pikit.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Governor Mendoza sa lahat ng tumulong at nakiisa sa kanyang programa na matulungan ang kapwa Cotabateño na nag dulot rin ng saya at pagasa sa bawat mamamayang Cotabateño.