-- Advertisements --
Pangasinan
Pangasinan

DAGUPAN CITY- Umaaabot sa animnaput limang buhay na baboy galing sa Bulacan ang nakumpiska ng mga awtoridad sa magkahiwalay na lugar dito sa lalawigan ng Pangasinan.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Provincial legal officer Atty. Geraldine Baniqued, nasa 60 baboy ang nakumpiska sa barangay Baloling, Mapandan at limang baboy naman sa bayan ng Calasiao.

Nabatid na ang nagmamayari ng limang baboy na nasabat sa Calasiao ay taga barangay Baloling, Mapandan.

Sa ginawang pagiimbestiga ay napag-alaman na may 60 pang baboy ang nasa pangangalaga ng nabanggit na indibiduwal sa bayan ng Mapandan.

Naniniwala si Baniqued na sinamantala umano negosyante ang murang presyo ng baboy sa Bulacan.

Bagamat sinasabing malusog at walang sakit ang mga baboy ay hindi pa rin umano nakakasiguro lalot hindi dumaan sa inspection.

Pinaniniwalaang idinaan ang mga baboy sa mga liblib at maliliit na daanan hanggang sa nakarating sa Pangasinan.

Matatandaan na naglabas ng Executive order 92 series 2019 si Pangasinan Governor Amado “Pogi” Espino III na nagbabawal sa pagpasok ng mga swine products dito sa lalawigan.

Ito ay matapos kumpirmahin ng Department of Agriculture na tinamaan ng African Swine Fever ang mga namatay na alagang baboy sa ilang bahagi ng bansa partikular sa Rizal at Bulacan.