Nasa 65 umanong most vulnerable nations ang mararamdaman ang pagbulusok ng kanilang gross domestic products (GDP) sa 20 percent sa taong 2050 at 64 percent pagdating ng taong 2100 kapag ang temperatura ng buong mundo ay madadagdagan ng 2.9 degrees Celsius.
Ito ang report na inilabas sa nagpapatuloy na climate talks ng COP26 sa Glasgow.
Kahit umano magkaroon ng pagtaas sa global temperature sa 1.5 degrees Celsius na siyang most ambitious Paris Agreement goal malaki pa rin ang epekto nito sa mga nasabing bansa.
Tinatayang nasa 13 percent pa rin daw ang pagbaba ng GDP sa 2050 at 33 percent sa katapusan ng siglong ito.
Ito ang lumabas sa pag-aaral na kinomisyon ng Christian Aid.
Sa ngayon, ang average surface temperature ng mundo ay nadagdagan ng 1.1 degrees Celsius kumpara sa late 19th-century levels.
Dahil sa findings mula sa Christian Aid na nagpapakitang mahigit sa one third ng mga bansa sa buong mundo ang nangangailangan ng tulong para tumatag ang kanilang mga ekonomiya.
Ito ay para malabanan ang heatwaves, tagtuyot, pagbaha at mga bagyo na mas matindi at mas nakamamatay pa kaysa sa global warming.
Lumalabas sa findings na walo sa Top 10 most affected countries ay nasa Africa at dalawa naman sa South America.
Ang 10 bansa naman dito ay haharap daw sa GDP damage ng mahigit 70 percent sa taong 2100 sa ilalim ng kasalukuyang climate policy trajectory at 40 percent naman kahit ang global warming ay nasa 1.5 degrees Celsius lamang.
Base rin sa pag-aaral, ang bansang haharap sa pinakamatinding GDP loss ay Sudan.
Noong Setyembre lamang ay mahigit 300,000 ang naapektuhan sa naturang bansa dahil sa malakas na pagbuhos ng ulan na naging dahilan ng flash floods.
Magkakaroon umano ang naturang bansa ng GDP reduction na papalo sa 32 percent sa taong 2050 at 84 percent pagsapit ng 2100.