Simula ngayong araw Mayo 14 hanggang bukas Mayo 15, hindi muna tumatanggap ng international flights ang Mactan Cebu Internation Airport (MCIA) kabilang na ang mga overseas Filipino workers at returning overseas Filipinos dahil malapit na sa full capacity ang mga quarantine hotel rooms na itinalaga para sa kanila.
Inihayag ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia na nagpasya ang mga opisyal ng paliparan na kanselahin ang mga biyahe na nagdadala ng mga OFW at ROF mula sa ibang bansa dahil dito.
Hindi bababa sa 35 mga hotel sa Cebu ang itinalagang mga quarantine facilities para sa mga returning Filipinos ngunit ang mga pasilidad na ito ay punuan na dahil sa dami ng mga returnees.
Sinabi pa ng General manager ng MCIA na si Glenn Napuli, nasa 650 mga pasahero ang inaasahang maaapektuhan ng dalawang araw na pagkansela ng mga international flight na patungo sa Cebu.
Kabilang sa mga flights na ito ay nagmula sa Qatar, Saudi Arabia, Taiwan, United States, at Japan.
Samantala, inaasahan namang mayroong humigit-kumulang na 300 rooms ang available sa Lunes Mayo 16.