-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Patay on the spot ang isang Lolo sa pamamaril sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang biktima na si Oferiano Udani Miguela,66 anyos,balo at residente ng Purok 5 Barangay Del Carmen President Roxas North Cotabato.

Ayon kay Cotabato Police Provincial Director Colonel Maximo Layugan habang hinihimas-himas at kinokondisyon ng biktima ang kanyang panabong na manok sa harap ng kanyang bahay ay bigla itong nilapitan ng dalawang hindi kilalang suspek at pinagbabaril gamit ang kalibre.45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga salarin lulan sa isang motorsiklo patungo sa liblib na lugar sa bayan ng President Roxas.

Nagtamo ng maraming tama ng bala sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan ang biktima kaya agad itong binawian ng buhay.

Pawang naka-bonnet ang mga suspek kaya hindi ito nakilala ng mga kapitbahay ng biktima.

Awayan sa lupa ang natatanaw ng mga otoridad na motibo sa pamamaslang sa magsasaka na patuloy nilang iniimbestigahan.