Patuloy na umaakyat ang bilang ng mga nasawi at nawawalang residente sa Nepal dala ng matitinding pagbaha dulot ng malalakas na pag-ulan sa bansa nitong mga nakaraang araw lalo na sa siyudad ng Kathmandu.
Nakapagtala na ng nasa 66 na indibidwal ang nasawi sa nasabing insidente at pumatak naman sa 69 ang nawawala at patuloy na hinahanap ng mga awtoridad sa patuloy na pagbuhos ng mga matitinding pagulan at pagbaha sa naturang bansa.
Libu-libong mga tahanan din ang nalubog sa baha na sinasabing mula pa sa mga umapaw na mga ilog at sapa sa paligid ng lugar at naging sanhi ng hindi pagiging passable ng mga highways at ilang pangunahing daanan sa lungsod.
Nakapagtala rin ng landslide ang mga awtoridad na siyang kumitil ng buhay ng limang tao kabilang na ang isang buntis at isang apat na taong gulang na batang babae sa Bhaktapur na nasa silangang bahagi ng Kathmandu.
Dalawang bangkay naman ang natagpuan sa isang bus na siyang nalubog sa isang landslide sa Dhading na nasa kanlurang bahagi naman ng lungsod. Tainatayang 12 na katao ang laman ng nasabing pampublikong sasakyan kabilang na ang driver nito.
Anim na football player naman ang naitalang nasawi sa isa ring landslide na naganap naman sa isang training centre na siyang inooperate ng All Nepal Football Association sa Makwanpur na makikita naman sa timog-kanlurang bahagi ng siyudad.
Sa ngayon ay nasa 2,000 indibidwal na ang nasagip mula sa mga matataas na baha at 200 na mga kabuhayan naman ang tuluyan nang nawasak sa insidente.
Samantala, hinimok na ng Nepalese Government na iwasan muna ang mga unnecessary travel lalo na sa gabi dahil sa mga gumuhong lupa at ilan pang bilang ng mga aksidente sa daan.
Nauna na dito ay nagpahayag na si Government spokesperson Prithvi Subba Gurung na ang isa ring dahilan ng mabilis na pagtaas ng tubig ay ang pagkasira ng ilang waterpipes na siya namang nakaapekto sa operasyon ng mga telephone at ilang powerlines.