66% ng mga Pinoy na kalahok sa isinagawang survey ang naniniwalang “bad year for the country” ang taong 2023. Ayon ‘yan sa French market research company na Ipsos kung saan nag-survey sila sa 34 na bansa kabilang ang Pilipinas noong Oktubre hanggang Nobyembre ng taon.
59% naman ang nagsabing “bad year for them and their families” ang 2023. Sa kabila nito, 86% naman ang kumpiyansang magiging mas mabuting taon ang 2024.
Samantala, 82% naman ang sumagot na mas mabilis na tataas ang presyo ng mga bilihin kumpara sa pagtaas ng sahod sa bansa. At hindi nalalayo rito ang 79% na Pilipinong sa tingin nila ay tataas pa ang inflation sa susunod na taon.
Hindi rin maganda ang paningin ng mga Pilipino sa employment rate ng bansa sapagkat 72% ang nagsabing tataas pa ang bilang ng mga walang trabaho pagdating ng 2024.