-- Advertisements --

Naitala ngayon ng Department of Health (DOH) ang pinakamababang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas sa kanilang daily tally.

Ito ay makaraang iulat ng DOH ang 665 na mga karagdagang kaso ng COVID-19.

Sinasabing pinakamababa na ito mula noong Hulyo 14 ng nakalipas na taon.

Kung maalala nitong nakaraang Linggo ang pinakamababa naman nitong taon na mahigit sa 800 sa daily tally.

Nasa ika-anim na araw na ngayon na mababa pa sa 1,000 ang mga naitatalang kaso sa kada araw.

Sa ngayon ang kabuuang tinamaan ng coronavirus sa Pilipinas mula noong nakaraang taon ay nasa 2,832,375 na.

Samantala mayroon namang naitalang 993 na mga pasyente na bagong gumaling.

Ang mga nakarekober sa bansa bunsod ng COVID-19 ay umaabot na sa 97.7 percent o katumbas ng 2,767,585.

Sa kabila nito meron namang bagong nadagdag na 141 na mga bagong pumanaw.

Ang death toll sa bansa ay nasa 48,501 na.

Mayroon namang tatlong laboratoryo ang hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS) ng DOH.

“Pinapaalalahanan ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19. Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards at laging magsuot ng facemask na may face shield, mag physical distancing, at maghugas ng kamay. Agad rin na magpabakuna upang makakuha ng dagdag na proteksyon laban sa COVID-19,” bahagi pa rin ng abiso ng DOH.