Nasa 670,000 na mga residente ang target ng local na pamahalaan ng Taguig ang unang mabakunahan para sa kanilang vaccination program laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang inihayag ni Taguig City Mayor Lino Cayetano sa ginawang pagbisita ng CODE Team sa vaccination hub sa Lakeshore Mega Complex sa Lower Bicutan.
Ayon kay Cayetano mayroong kabuuang 1,29,127 residente ang lungsod ng Taguig subalit sa ngayon ay 670,000 lang muna ang maaaring mabakunahan dahil sa age consideration.
“Ang computation ho namin nasa 670,000 ‘yung above 16-years-old. Sa ngayon ho kasi ‘yung bakuna na available sa merkado, 16 and above or 18 and above ‘yung puwede. Pero we are assured naman by the experts na ‘yung 18 and below, pinag-aaralan ngayon paano sila mababakunahan,” paliwanag ng alkalde.
Sinabi ni Cayetano na ang 670,000 na mga residente na unang mababakunahan ay kabilang sa first batch, kaya ito ang tutulong sa paghanda para sa ikalawang batch ng vaccination program.
Ani Cayetano, mayroon ang lungsod na 716 doktor, nurse at public health workers ang sinanay para magbakuna sa mga residente ng lungsod, dagdag pa ang 62 doktor at nurse ng lungsod na sinanay sa cold storage management.
Sa kabuuan, mayroong 400 special teams na mayroong limang miyembro kada team ang siyang magsasagawa ng pagbabakuna sa 40 vaccination centers ng lungsod.
Sa darating na Biyernes sisimulan na ng siyudad ang briefing sa lahat ng mga community leaders ng lungsod para sa gagawing vaccination program.
“By Friday, sisimulan na namin yun pag-briefing sa amin mga community leaders, barangay captains, mga home owners (presidents), mga PTA (parent teachers association) presidents. Tuturuan namin sila para magkakumpiyansa sila sa bakuna,” pahayag ni Cayetano.
Matatandaang una ng sinabi ni Mayor Cayetano na mayroon ang Taguig City na 40 eskwelahan at apat na mega quarantine facilities na magsisilbing vaccination centers kapag nagsimula na ang roll out ng bakuna laban sa COVID-19.
Nagkaroon naman ng kasunduan ang Taguig LGU sa Orca Cold Chain Solutions Inc para sa gamiting imbakan ng mga vaccine.