Bilang pag-iwas sa mataas na taripa ng kanilang mga produkto sa United States ay gumagamit umano ng pekeng tags sa kanilang mga produkto ang mga Chinese exporters.
Nabatid na iligal na nilalagyan ng China ang kanilang mga produkto ng “Made in Vietnam” tags upang palabasin na sa Vietnam nagmumula ang kanilang produkto at maiwasan ang halos 25% taripa sa oras na maiangkat ito sa Estados Unidos.
Sa inilabas na pahayag ng Vietnam, nanawagan ito ng mas mataas na penalty sa mga trade-related fraud na ginagawa ng ibang bansa sa kanilang mga produkto.
Kamakailan lamang nang kumpirmahin ng mga otoridad sa naturang bansa ang kanilang pagsamsam sa dose-dosenang pekeng origin certificates ng mga produkto na ginagamit upang iligal na makapag-angkat ang China sa US.
Nababahala naman ngayon ang national assembly economic committee ng Vietnam dahil maaari raw silang pag-initan ng US kung hindi nila sisimulang gumawa ng paraan upang mapigilanv ang dumadaming pagpasok ng mga mislabeled Chinese products sa bansa.