-- Advertisements --

Mistulang guessing game sa mga beauty pageant fanatics ang kumakalat na impormasyon na umano’y sa Miami, Florida, gaganapin ang Miss Universe 2020.

Base sa mga nagli-leak na detalye kabilang ang tila pageant fan Facebook page na Sash Philippines, nakatanggap na raw ang mga national directors ng mensahe mula sa Miss Universe Organization na nagsasabing dapat ay makapili na ng kani-kanilang kandidata hanggang ngayong Disyembre.

Ito ay kung nais nilang mapabilang sa 2020 Miss Universe coronation.

Una sa itinerary ng mga kandidata ang pagsailalim muna sa swab test bunsod ng coronavirus pandemic.

Sa February 2 naman inaasahan ang pagsidatingan ng tinatayang 70 candidates kung saan pambato ng Pilipinas ang half Indian beauty mula Iloilo na si Rabiya Mateo.

Rabiya in Bombo
Miss Universe Philippines 2020

Matapos ang isang linggo ay magiging sunud-sunod na ang mga aktibidad mula closed door interview sa February 10, preliminary competition, at ang coronation na isinabay sa Valentine’s Day sa February 14.

Magdaraos ng after party, bago ang pag-alis din ng mga sumabak sa presitihiyosong pageant sa February 15-16.

Sash MU

Noong nakaraang taon ay ang Atlanta, Georgia, ang naging host ng 68th edition ng Miss Universe kung saan nasungkit ng Miss South Africa ang korona (featured photo).

Nagtapos naman sa Top 20 ang pambato ng Pilipinas na si Gazini Ganados.

Kung maaalala, kanselado muna ang major beauty pageants gaya ng Miss World at Miss International dahil sa pandemya.