CENTRAL MINDANAO-Tinataya sa 150 na mga residente kabilang na ang mga bata sa mga nakabenipisyo ng Gift Giving na pinangunahan ng Sto. Niño de Cebu Chapel ng 6th Infantry (Kampilan) Division, Philippine Army.
Ang aktibidad ay pinangunahan mismo ni Cpt. Jake Bilbao (CHS) PA, para sa mga benepisyaryo na taga-Sitio Nabilan at Sitio Lomboy, Barangay Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao Del Norte.
Kabilang sa mga ipinamahagi ay ang bigas, groceries, tubig maiinum at maraming iba pa.
Naging panauhing pandangal at tagapagsalita naman si Colonel Roberto Huet, ang Division Inspector General ng 6ID.
“Laging magbigay ng hindi naaalala at laging tumatanggap ng hindi nakakalimot”, ayon pa kay Col. Huet.
Dinaluhan din ito ng mga representante mula sa iba’t-ibang mga sponsors kagaya ng Armed Forces and Police Savings and Loans Association, Inc. (AFPSLAI); Philippine Army Finance Center Producers Integrated Cooperative (PAFCPIC); BARMM – Rapid Emergency Action on Disaster Incidence (READi); Tropical Tailoring na pinagmamay-arian ni Regina Ortiz at maraming iba pa.
Katuwang din sa nasabing programa ang mga sundalo mula sa 6th Infantry (RedSkin) Battalion, OG7 personnel, mga opisyales at aktibong miyembro ng Sto. Niño de Cebu Chapel at iba pa.
Masaya namang nakilahok ang mga kabataan sa mga parlor games na inihanda ng simbahan.
Tuwang-tuwa naman ang mga bata at mga magulang nila sa mga natanggap na panregalo.
“Ang aktibidad ay bahagi ng ating programa sa simbahan upang ipadama ang tunay na diwa ng pasko ang pagbibigayan, lalo na sa mga salat at higit na nangangailangan”, pahayag ni Cpt. Bilbao.